Health: Bakit ako tumataba?

by Dr. Willie T. Ong

Image from http://gritbybrit.com/weighing-in-on-weighing-in-facts-about-stepping-on-the-scale-every-day/

Sa aking pakikipag-usap sa mga kaibigan, nalaman ko na marami ang may maling paniniwala tungkol sa dahilan ng pagtaba o pagiging overweight.

Alamin po natin kung ano ang mga tunay na rason.

1. Nakatataba ba ang pag-inom ng malamig na tubig? Hindi po. Hindi nakatataba ang tubig, malamig man o mainit. Walang calories ang tubig. Hindi tunay na nakalalaki iyan ng bilbil. Sa katunayan ay nakapapayat ang tubig.

2. May inumin ba na nakakapayat? Isa lang po ang nakakapayat. Ito ay ang tubig. Kaya umiwas sa lahat ng mga juices, iced tea, at softdrinks. Nakatataba masyado ang mga juices tulad ng pineapple juice, energy drinks, at bottled teas.

3. Nakatataba ba ang pagtulog sa hapon? Hindi nakatataba ang tulog. Puwede matulog sa hapon o sa gabi. Ang nakatataba ay ang pagkain ng sobra.

4. Bakit lumalaki ang aking bilbil? Pag tayo ay nagkakaedad (lampas 30-40 years old), mas lumalaki ang bilbil dahil bumabagal ang ating metabolism. Sa mga mas bata, kahit kumain sila ng marami ay hindi gaano tumataba dahil aktibo sila at mabilis pa ang kanilang metabolism.

5.Lumaki ang aking bilbil pagkapanganak. Puwede ba ako mag-ehersisyo? Sa mga bagong panganak o bagong CS, magtanong muna sa inyong OB-gyne kung puwede nang mag-ehersisyo. Kadalasan ay kailangang maghintay ng 6 linggo bago mag-umpisa ng magaan na ehersisyo (light exercise).

6. Puwede ba ang slimming tea o pills. Hindi po maganda ang pag-inom ng slimming tea o pills. Karamihan dito ay may halong pampadumi (laxatives) at ika’y magtatae. Puwede kang maubusan ng sustansya sa katawan at bumagsak ang potassium sa dugo. May namamatay sa sobrang baba ng potassium. Puwedeng atakihin ng high blood at nerbiyos kapag uminom nito.

7. Puwede ba ako kumain ng prutas kahit gaano karami? Hindi po. Limitahan din ang pagkain ng prutas. Hindi ninyo alam pero nakatataba ang mangga, ubas, abocado at pineapple. May fructose ang prutas na nakatataas din ng blood sugar at nakatataba kapag nasobrahan. Sa bawat pagkain, isang pisngi lang ng mangga, o 10 piraso ng ubas lang ang dapat. Ang mansanas at peras lang ang magandang pampapayat.

Tandaan, tubig lang ang dapat inumin. Bawasan ang dami ng pagkain. At ituloy lang ang ehersisyo. Good luck po.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *