by Dr. Willie T. Ong
Image from http://www.clarkisit.com/noche-buena-recipe-series-healthy-dish-suggestion/
Alam mo naman, minsan hilig natin ang mga pagkaing hindi healthy sa ating katawan. Ano ba ang mga ito?
(Note: Kung paminsan-minsan lang ang pagkain ay puwede naman.)
10.Soft drinks – Naku, guilty ka diyan, ‘di ba? Ang isang basong soft drinks ay may 7 kutsaritang asukal. Kaya grabe ang tamis. Nakatataba at masama ito sa mga diabetico. Mag-ingat din sa diet soft drinks, dahil may halo itong phosphorous. Ang phosphorous ay nagtatanggal ng calcium sa ating katawan at puwedeng maging dahilan ng osteoporosis. Kaibigan, mag-tubig na lang!
9. French fries – Mataba at mamantika ang French fries. Ito ang sinisisi ng maraming eksperto kung bakit dumarami ang taong may sakit sa puso at mataas ang kolesterol.
8. Matatabang sarsa – Tulad ng gravy, mayonnaise, at butter. Tadtad iyan ng calories. Mas mainam pa ang suka, calamansi, o hot sauce bilang sawsawan.
7. Alak – May mga pasyenteng nagsasabi na ang red wine ay mabuti sa puso. Kapag tinanong ko kung gaano karami ang iniinom, ang sagot ay, “Doc, minsan, nauubos ko ang isang bote.” Masama po ang alak sa ating kalusugan. Masisira ang ating atay, ugat, at utak. Nakapagdudulot din ng maraming kanser.
6. Junk food – Nakaka-addict ang mga sitsirya, at iba’t ibang mga chips. Ito’y dahil may halong vetsin at asin. Wala po itong silbi sa katawan. Turuan natin ang ating mga anak na iwasan ito.
Image from http://www.awaremed.com/high-cholesterol-levels-connection-cancer/
5. Hilaw na karne – Sari-saring bulate ang nakatago sa mga hilaw na karne, tulad ng kilawin na isda o steak na may dugo pa. Siguraduhin luto ang inyong kinakain. Tandaan, hindi namamatay ang mga bulate sa suka o calamansi.
4. Street food – Mahirap masiguro ang kalinisan ng mga fish ball, kwek-kwek, at taho. Huwag makipagsapalaran!
3. Laman loob – Ewan ko ba kung bakit nahiligan ng mga iba ang pagkain ng utak, puso, bato, at bituka. Sobrang taas iyan sa uric acid at kolesterol. May mga eksperto ang nagsasabi na nagdudulot din iyan ng kanser.
2. Chicharon at chicharon bulaklak – Sabi ng kaibigan ko, “Balat lang naman ang gusto ko eh, hindi naman taba.” “Eh saan ba nagtatago ang taba,” sabi ko. “Sinawsaw ko naman sa suka,” hirit pa niya. Kaibigan, taba pa rin iyan. Mag-popcorn ka na lang.
Image from http://www.metrodeal.com/deals/Metro_Manila/Lechon-Cebu/812195771
1. Lechon – Ang paborito ng lahat, ang lechon, crispy pata at pata tim. Ang taba ng baboy ang sadyang nakapagpapabara ng ugat sa puso at utak. Ang resulta? Istrok at atake sa puso. Kaibigan, tikim-tikim lang.
Gulay, prutas, beans, at isda ay masustansya para sa inyo. Gusto ko po kayong maging healthy palagi. Mahirap na kung magkasakit at mabarahan ang ugat ng taba. Ingat po.