Health: Ebola: alamin at iwasan

Mainit na usapin ngayon ang nakahahawa at nakamamatay na Ebola o Ebola Virus Disease o Ebola Hemorrhagic Fever.  Sa record ng World Health Organization, as of November 2014, mahigit 5,000 na ang namatay dahil dito, karamihan mula sa Guinea, Liberia, at Sierra Leone.   Kaya kahit Ebola-free pa rin ang Pilipinas, hindi maiwasan na mangamba sa sakit na ito.

Tinuturing na sanhi ng sakit na ito ang Ebola virus. Apektado sa kasalukuyan ang mga bansa sa West Africa.

Paano ito nakukuha?

ebola_01

Nakukuha ang Ebola sa pamamagitan ng paghipo o paghawak ng:

  • May sakit na positibo sa Ebola
  • Dugo o iba pang “body fluids” mula sa may sakit, tulad ng pinagsukahan, laway, dumi, ihi, semilya
  • Mga kontaminadong gamit ng may sakit tulad ng karayom, sapin ng kama at kumot
  • Bangkay ng maysakit na positibo sa Ebola

Ito ay hindi nakukuha sa hangin, sa pag-ubo, o pagbahin.

Ang sinumang mahahawa ay magkakaroon ng sintomas pagkalipas ng 2 – 21 araw. Ang mga may sintomas lamang ang pwedeng makapanghawa sa iba.

Anu-ano ang mga sintomas ng Ebola?

ebola_02

  • Lagnat, sakit ng ulo, labis na panghihina, masakit na kalamnan o kasu-kasuan at pananakit ng lalamunan
  • Pagduwal, pagsusuka, pagtatae
  • Pantal sa katawan, pasa, o bugbog
  • Pamumula sa mata
  • Pagdurugo sa ilong, bibig, mata, tainga, dugo sa suka o dumi, at sa lugar na pinagtusukan ng karayom
  • Pagkasira ng bato at atay

Kung makakaranas ng sintomas na ganito, pero hindi naman kayo galing sa lugar o bansang may Ebola, hindi dapat mag-alala.  Regular na pagpapa-check lang sa doctor ang kailangan.

Sinu-sino ang maaaring higit na maapektuhan nito? 

  • Ang mga naninirahan o ang mga nagsilakbay sa mga apektadong bansa
  • Ang mga kasambahay o pamilya ng maysakit
  • Ang mga nag-aalaga ng maysakit sa bahay o ospital, kasama na ang mga doctor, nars, laboratory workers at iba pa

Paano ginagamot ang Ebola?

Malungkot mang sabihin, wala pang mabisang gamot sa Ebola. Mas mabuting dalhin sa ospital agad ang maysakit kung naghihinala na ito ay may Ebola. Ngunit, malaking tulong ang oral at intravenous fluids maging ang pagsalin ng dugo sa pasyente. Mahalagang maibukod ang maysakit upang hindi ito makahawa ng iba pa.

Paano maiiwasang magka-Ebola at iba pang infections:

ebola_03

(Tips mula kay Dr. Willie Ong)

1. Palakasin ang katawan para malabanan ang impeksyon tulad ng Ebola Virus.
2. Kumain ng masustansya tulad ng prutas, gulay at isda.
3. Matulog ng 7-8 oras bawat gabi.
4. Umiwas sa stress at sobrang pag-trabaho.
5. Mag-ehesisyo ng regular, pero huwag din sobra.
6. Puwede uminom ng isang multivitamin bawat araw.
7. Maghugas lagi ng kamay at maligo araw-araw.
8. Umiwas sa taong umuubo.
9. Maging alerto sa mga balita ng DOH tungkol sa Ebola Virus.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *