Health: Mahapdi ang sikmura: natural na lunas

By Dr. Willie T. Ong

LAHAT tayo ay nakararamdam ng paghapdi ng sikmura. Kapag nalipasan tayo ng pagkain o dili kaya ay na-stress sa trabaho, parang makulo ang ating tiyan. Naglalabas kasi ng sobrang acid kaya humahapdi ang sikmura. Ang tawag dito ay gastritis at kung lumala ay puwedeng maging ulcer.

doc

Hindi lang gamot ang solusyon sa paghapdi ng sik­mura.

Sa aking pananaw, mas maigi ang pagkain ng wasto:

1. Kumain sa tamang oras (small, frequent meals).

Kumain ng pakonti-konti pero madalas sa isang araw. Halimbawa, kumain ng alas-7 ng umaga. Magsaging ng alas-10. Mag-lunch ng kaunti lang. Magmeryenda ng tinapay sa alas-4 ng hapon. Mag-dinner ng alas-7 ng gabi. Kahit busy ka sa trabaho, huwag kalimutang kumain sa oras. Ingatan ang tiyan.

2. Saging at tinapay ang lunas.

Napaka-healthy ng saging. Bukod sa madaling baunin at kainin, ang saging ay parang gamot na rin dahil nata­tapalan nito ang ating sikmura. Ang pandesal din ay maayos sa sikmura at nakakabusog pa. Araw-araw, saging at pandesal ang baon ko kapag maingay ang sikmura ko.

3. Uminom ng tubig pakonti-konti.

Malaki ang naitutulong ng pag-inom ng tubig sa pag­linis ng acid sa tiyan. Ang tamang pag-inom ay ang paglagok ng konting tubig bawat 20 minutos. Sa ga­nitong paraan, mahuhuga­san at malilinis ang acid sa tiyan.

4. Umiwas sa pagkaing nakakahapdi ng tiyan. Umi­was sa maasim at ma­anghang (spicy).

May mga pagkaing sad­yang nakahahapdi ng tiyan. Umiwas sa mga sob­rang spicy na pag­ kain. Ang sili, kalamansi, suka, sini­gang na sobrang asim at pine­­apple juice na puro ay puwe­deng magdulot ng paghapdi ng sikmura. Ang sobrang lamig na inumin ay nakakairita rin ng tiyan.

Sa aking palagay, hindi na kailangan ng gamot sa ordinar­yong paghapdi ng sik­mura. Ku­main na lang ng mga pagkaing ikaka-relax­ ng ating tiyan, tulad ng saging, tinapay, kanin, lugaw at gulay. At mag-relax­ din kaibigan habang kumakain para hindi ma-stress ang ating tiyan!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *