By Dr Willie Ong
Kaibigan, may sugat ba kayo sa balat na hindi gumagaling? Sobrang kati ba ito at lagi mong kinakamot? (Posible itong sakit na Eczema o Neurodermatitis.)
Kung mayroon kayo nitong sugat o pantal sa balat, ipatingin muna sa doktor o dermatologist. Bukod sa gamot na ibibigay ng doktor, heto ang iyong iiwasan:
BAWAL na BAWAL and 3Ks: Kamot, Kutkot at Kuskos.
Heto pa ang mga tips:
1. Kahit gaano kakati, huwag kakamutin. Dahil lalo mong kinakamot, lalo itong magsusugat at kakati.
2. Puwedeng lagyan ng ice kapag sobra ang kati. Puwede din patuluan na malamig na tubig.
3. Kapag natutuyo ang balat (dry skin), puwede pahiran ng moisturizer o oil ng 2-3 beses sa maghapon.
4. Gumamit ng mild soap na walang pabango.
5. Pumili ng malambot o cotton na baro para hindi magasgas ang balat.
6. Kung may maitim na balat, huwag ito kukuskusin. Kapag kinuskos mo ang balat, lalo itong kakapal at iitim. Ang pangingitim ay reaksyon ng balat sa pagkamot.
7. Magsuot ng guwantes (gloves) sa gabi para maiwasan ang pagkasugat dahil sa pagkamot.
8. Kung may allergy, umiwas sa bagay o pagkain na nakaka-allergy.
9. Magbawas sa stress. Kapag stress kayo ay mas nagkakamot.
10. Kapag matindi ang kati, puwedeng uminom ng anti-allergy na tableta. Sa gabi ito inumin (dahil nakaka-antok) at paminsan-minsan lang ang pag-inom.
11. Tandaan: Huwag kamutin at sugatan ang sarili. Huwag kutkutin. Magtiis muna. Pagkaraan ng 2 linggo ay mababawasan na ang kati at maghihilom na ang iyong balat. Take care po.