by Dr Willie Ong
Tanong: Okay ba ang paggamit ng “Ready Mix” na sangkap tulad ng Sinigang Mix, Kare-Kare Mix, Pinakbet Mix, at Pork at Beef cubes sa niluluto ko?
Sagot:
1. Hindi ito okay kung sobrang dami ang paggamit at sobrang alat ang paggawa.
2. Mas masustansya ang natural na sangkap kaysa sa mga artificial na sangkap sa pagluto. Halimbawa, sa paggawa ng sinigang, mas maganda gumamit ng sampalok, kamias, at kalamansi imbes na paketeng “Ready-Mix”.
3. Maalat ang timpla ng mga “Ready-Mix” na pakete. Puwede ka magka-high blood pressure, pagmamanas, at pamamaga ng mukha. Kapag sobra ang asin sa katawan, maiipon ang tubig natin sa katawan at tataba tayo.
4. Para sa akin, puwede naman paminsan-minsan gumamit ng “Ready-Mix.” Pero kalahati lang ang i-sangkap mo sa niluluto para mabawasan ang alat.
5. Tandaan: Hindi epektibo ang pag-inom ng maraming tubig para maalis ang asin na nakain. Kapag nakapasok na ang sobrang asin sa katawan, mahihirapan na ang kidneys mo. Ang solusyon lamang ay ang pag-iwas sa sobrang alat na pagkain para hindi magkasakit.
6. Sa mga may lahi ng high blood pressure, sakit sa kidneys, at sakit sa puso, bawasan ang paggamit nitong sangkap. Kung ayaw niyong tumaba, bawasan din ang maaalat na pagkain.
Ayon sa pagsusuri, ang mga Pinoy ay 4 na doble ang taas sa kinakaing asin sa bawat araw kumpara sa rekomendadong dami na kailangan ng tao.
Mas masustansya pa rin ang lutong bahay at natural na pagluto ng pagkain, kumpara sa mga “ready-made” at “instant” na pagkain.